Mapanlinlang na Estadistika ng Kahirapan
Ni Danilo Ara�a Arao
Pinoy Weekly (Vol. 5, No. 27, 12-18 July 2006), p. 7
Magandang balita! Kakaunti na lang ang mahihirap sa bansa, at malamang na hindi ka kasama sa mga ito.
Pag-aralan natin ang pinal na resulta ng pag-aaral sa kahirapan para sa 2003 na inilabas ng National Statistical Coordination Board (NSCB). Lumalabas na 24.4% lang ng pamilyang Pilipino sa buong bansa ang mahirap. At alam mo bang sa National Capital Region (NCR), 4.8% lang ng mga pamilyang nakatira dito ang sinasabing nasa ilalim ng guhit ng kahirapan (poverty line)?
Hindi ka ba naniniwala? Mahirap bang maiugnay ang mga estadistikang ito sa mga nakikita mo araw-araw sa iyong paligid? Pumapasok ba sa isip mo ngayon ang mga problemang kinakaharap kapag hindi mo mapagkasya ang maliit na suweldo sa pangangailangan ng mga mahal sa buhay?
Totoong mahirap isiping kakaunti na lang ang mahihirap sa bansa ngayon, lalo na�t parati nating naririnig ang mga panawagan para itaas ang suweldo at ang mga reklamo sa pagtaas ng presyo ng langis at ilang mga pangunahing bilihin. Pero tandaan nating iba ang pamantayan ng pamahalaan sa kahirapan ng ating bansa.
Sa pag-aaral ng pamahalaan para sa taong 2003, hindi mahirap ang isang taong nasa Pilipinas kung siya ay kumikita ng P12,309. Ito kasi ay sapat para matugunan ang mga gastusin sa pagkain at iba pang batayang pangangailangan sa loob ng isang taon. Opo, sa loob ng isang taon! Kaya nga sinabi ko kaninang malamang na hindi ka mahirap sa mata ng pamahalaan. Kung may P34 ka kasi sa iyong bulsa bawat araw, kaya mo raw matugunan ang mga batayang pangangailangan mo.
Kung nakatira ka sa NCR, hindi ka raw mahirap kung mayroon kang minimum na kita na P16,737 sa loob ng isang taon, o P46 sa isang araw. Batay sa pamantayang ito, ang mga kumikita ng minimum na sahod ay hindi mahirap sa mata ng pamahalaan. Isipin mong mabuti: Ang P350 na minimum na sahod ng mga manggagawa sa NCR ay kayang bumuhay sa isang pamilya ng anim!
Ayaw mo na namang maniwala? Kung kumikita ka ng minimum na sahod sa NCR, mayroon kang P9,100 sa isang buwan. Kung hahatiin sa 12 buwan ang taunang pangangailangan para diumano mabuhay, lalabas na P1,394.75 lang ang kailangan ng isang tao sa NCR bawat buwan. Naniniwala ka na ba ngayon?
Kung hindi ka pa rin makapaniwala, hindi kita masisisi. Bagama�t ganito ang lumalabas sa ating komputasyon, malinaw na hindi pa rin nito sinasalamin ang mga nakikita nating paghihirap sa araw-araw nating paglabas ng bahay, o kahit sa mga nababasa, naririnig o napapanood sa midya.
Ipinapakita lang nito na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para mapagtakpan ang nangyayari sa ating lipunan. Hindi ito kakaiba sa sinasabi ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na wala nang kakulangan sa klasrum sa pagbubukas ng klase noong Hunyo, dahil ang kanyang pamantayan ay ang paggamit ng 100 estudyante sa isang klasrum bawat araw ng klase.
Buti naman at hindi ka kumbinsido sa mga opisyal na estadistikang tulad nito at ang kaakibat na retorikang ginagamit para palakasin ang argumentong kakaunti na lang ang mahihirap. Dahil nadarama natin ito araw-araw, mas alam natin ngayon ang realidad ng kahirapan na hindi kayang mapagtakpan ng anumang estadistika o retorika.
Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com