Danny Arao logo
Danny Arao online
Danny Arao online
Danny Arao online
HOME > Selected Writings > Alam ng Cagayan Valley > May Nagsabi Na Ba Sa Iyong Mukha Kang Pera? (8-14 Apr 2004)

Alam ng Cagayan Valley logo; click image to go to list of articles

LIST OF ARTICLES

May Nagsabi Na Ba Sa Iyong Mukha Kang Pera?

Danilo A. Arao column photoKONTEKSTO
Danilo Araña Arao
Alam ng Cagayan Valley (Vol. 1, No. 3)
8-14 April 2004, pp. 6, 15

Walong oras kang nagtatrabaho at parati kang pagod pag-uwi sa bahay. Bakasyon ngayon ang mga bata pero wala kang pahinga dahil kailangan mong kumayod. Hindi lang sarili mo ang iniisip sa panahong ito. May pamilya ka na. May responsibilidad kang guminhawa ang buhay nila.

Kaya tuloy pa rin ang pagtatrabaho kahit tumatagaktak na ang pawis, kahit parang malapit nang bumigay ng mga hita at braso mo. Sa panahon ng tag-init, tanging tubig at bentilador lang ang nakakapagpahupa sa init at sakit na nararamdaman ng iyong katawan. Nakakatulong din ng malaki ang masahe ng nagmamahal na anak o asawa, pero siyempre, hindi mo naman siya puwedeng pilitin kung pagod rin siya sa maghapong paglalaro o pagtatrabaho.

May kaunting saya kapag araw ng suweldo dahil masasayaran na naman ang palad mo ng pera. Magkano ba'ng neto mo? Ayaw mo nang alamin, dahil tapos na ang panandaliang saya kapag nalaman mong marami kang kailangang bayaran. Ang anumang matitira ay hindi na sapat para mabuhay ang pamilya mo, kaya mapipilitan ka na namang mangutang sa mga kaibigan, kamag-anak at kung sinu-sino pa.

Matapos pag-isipan nang makailang beses, lalapit ka sa boss mo para humingi ng umento. "Masyado na po kasing maliit ang kita ko ngayon. Tumaas na po ang pamasahe, kuryente at presyo ng bilihin."

Titingnan ka mula ulo hanggang paa, at ipamumukha sa iyong wala kang pinag-iba sa mga kapwa mo manggagawang walang inisip kundi pera, pera at pera at panay rali, rali at rali. "Pasalamat ka nga't may trabaho ka pa! Kung gusto mo ng mataas na suweldo, umalis ka rito! Marami akong ipapalit sa iyo!"

Uuwi kang nanlalambot at uupo ka sa lumang upuan mo na parang nauupos na kandila. Higit pa sa simpleng pagod sa maghapong pagtatrabaho ang nararamdaman mo. Hindi na kaya ng tubig o bentilador na mapalamig ang init ng iyong ulo.

At ngayon ay napapaisip ka: Mukha bang pera talaga ang mga manggagawa? Ang kakulangan ba ng suweldo ay usapin lang ng tamang paggastos at pagtitipid? Mali ba ang panawagang itaas nang P125 bawat araw ang minimum na sahod ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon? At habang ito ay nakabinbin sa Kongreso, mali bang humiling ng "immediate relief" sa pamamagitan ng pagtataas nang P60 bawat araw ang minimum na sahod?

Kung pagbabatayan kasi ang datos ng 2000 Family Income and Expenditure Survey, ang mga mahihirap sa Rehiyon II (Cagayan Valley) ay 35% lamang.

Ito ang opisyal na datos ng gobyerno. Pero tandaang ito ay batay sa tinatawag na "poverty threshold" na P12,350. Ang isang indibidwal ay hindi mahirap kung siya ay may ganitong halaga dahil kaya niyang tugunan ang kanyang batayang pangangailangan…SA LOOB NG ISANG TAON! Sa madaling salita, hindi mahirap ang isang indibidwal na nasa Cagayan Valley kung siya ay may P33.84 bawat araw.

Ang pinakamataas na minimum na sahod sa Cagayan Valley ay P185 bawat araw na kinikita ng mga "non-agricultural workers" sa Isabela. Ang mga ganitong klaseng mangagawa ay mababa nang kaunti ang kinikita kung sila ay nakabase sa Quirino at Batanes (P177/araw), Nueva Viscaya (P178/araw) at Cagayan (P182/araw).

Ang mga nasa agrikultural na lugar ay lalong mas mababa ang minimum na sahod. Ang mga "agricultural workers" na taga-Quirino at Batanes ay kumikita lang ng P165 bawat araw; Nueva Viscaya, P166/araw; Cagayan, P170/araw; at Isabela, P173/araw.

Batay sa mga datos na ito, ang mga mangagawang kumikita ng minimum ay hindi mahirap sa mata ng gobyerno!

Pero alam mo namang malaking kahungkagan ang argumentong kayang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng isang indibidwal sa halagang P33.84 lang bawat araw. Batay sa iyong karanasan, higit pa rito ang kailangan para mabuhay, at hindi hamak na malaking halaga ang kailangan para masiguradong ang batayang pangangailangan ng isang pamilya ay natutugunan.

Ayon sa datos ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) noong Pebrero 2004, tinataya na ang "family living wage" sa Cagayan Valley ay nagkakahalaga ng P455. Para sa NWPC, ang halagang ito ang kailangan diumano ng isang pamilya ng anim para mabuhay sa isang araw.

Kung iyong ikokompyut, lumalabas na ang buwanang kita ng isang pamilya ng anim sa Cagayan Valley ay dapat na P13,650. Ang isang manggagawa sa Isabela na kumikita ng P185 bawat araw ay may "gross monthly income" lamang na P4,070, kung ang pagbabatayan ay ang pagtatrabaho ng 22 araw sa isang buwan.

Batay sa mga datos na ito, lumalabas na kahit parehong kumikita ng minimum na sahod ang mag-asawa'y hindi pa rin kayang maabot ang itinakdang "family living wage" ng NWPC. Kahit nga tatlong miyembro ng pamilya ang nagtatrabaho at kumikita ng minimum ay kulang pa rin ng mahigit isang libo para umabot sa buwanang halagang kailangan ng pamilya.

Ito ay datos na mula pa mismo sa gobyerno. Pinapatunayan ng mga statistikang ito ang kahirapan sa kasalukuyan, partikular sa Cagayan Valley pero alam mo namang ganito rin ang sitwasyon sa iba pang mga rehiyon.

Sa maghapon mong pagtatrabaho, talagang nakakapagngitngit isiping ang iuuwi mong suweldo ay hindi pa sapat at kailangan mo pang magkumahog para buhayin ang pamilya mo.

Mas lalong nakakarindi ng utak ang paratang na kaya lang humihingi ng mataas na sahod ang mga manggagawang katulad mo ay dahil mga mukhang pera kayo at walang pakundangan kung magsasara ba ang mga negosyo. (Sa isang banda, hindi ba't mas lalo pa ngang kikita ang mga negosyo kung tataas ang suweldo dahil mas marami nang bibili sa kanilang produkto?)

Nakakainsulto ang ganitong paratang dahil simple lang naman ang gusto ng isang manggagawa sa ngayon --- ang mabuhay nang matiwasay ang pamilya.

Masyado bang ambisyoso ang aspirasyong ito? Ano na ngayon ang gagawin mo?

Para sa inyong komentaryo, magpunta sa http://www.dannyarao.com


HOME > Selected Writings > Alam ng Cagayan Valley > May Nagsabi Na Ba Sa Iyong Mukha Kang Pera? (8-14 Apr 2004)

Page last updated: 10 April 2004
All rights reserved.
© 1999-2004 / Danilo A. Arao