Danny Arao logo
Danny Arao online
Danny Arao online
Danny Arao online
HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Ganansya mula sa Amerika? (15-21 Oct 2003)

Pinoy Weekly logo; click image to go to list of articles

LIST OF ARTICLES

Ganansya mula sa Amerika?

Danilo A. Arao column photoEKONOMIYA
SA MADALING
SALITA

DANILO ARAÑA ARAO
Pinoy Weekly (Vol. 2, No. 33)
15-21 Oct 2003, p. 11

Ano kayang ganansya mula sa Amerika ang makukuha ng Pilipinas kung higit pa sa kanilang ibibigay ang inaasahang babayaran?

Bukod sa napabalitang pag-endorso sa kandidatura ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (direkta man o hindi), bilyun-bilyong dolyar ang ipinangako ni US President George W. Bush kaya nga gayon na lang ang preparasyon sa kanyang pagbisita sa Pilipinas sa Oktubre 18.

Ayon sa mga ulat, nangako si Bush na magbibigay ng $3.2 bilyon para pondohan ang iba't ibang kasunduan ng pamahalaan at mga negosyante, $126 milyon para sa treyning at excess defense articles (EDA) tulad ng 30 Huey helicopters, $75 milyon para sa Pilipinong beterano ng giyera, $686 milyon para sa mga pang-ekonomiyang proyekto, $32.8 milyon para sa reintegrasyon ng mga Moro National Liberation Front (MNLF), $1 milyon para sa pagsasanay ng Philippine National Police (PNP) sa narcotics control, at $357 milyon para sa ayudang militar.

Batay sa mga datos na ito, $4.48 bilyon ang inaasahang makukuha ng pamahalaan. Pero hindi alam ng lahat na ang ating utang sa Amerika ay nagkakahalaga na ng $6.27 bilyon. Ito ay kumakatawan sa 11.6% ng kabuuang utang panlabas na $53.87 bilyon noong 2002.

Nangangahulugan ito na ang ating dapat bayaran sa Amerika ay higit pa sa kanilang ayudang ipinangakong ibibigay sa Pilipinas.

Ito ay labas pa sa utang panlabas mula sa mga multilateral na ahensya gaya ng International Monetary Fund (IMF) na karamihan ay kontrolado ng Amerika na nagkakahalaga ng $8.97 bilyon.

Kaya kung pagsasamahin ang utang mula sa Amerika at sa mga multilateral na ahensya, sadyang napakaliit ng ayuda kumpara sa halagang sisingilin dahil na rin sa napakalaking utang panlabas ng Pilipinas.

Hindi rin malinaw kung ang $4.48 bilyong ayuda ay may klasipikasyong tied aid. Walang pagpapaliwanag ang pamahalaan kung may mga kondisyon bang nakatali sa pagbibigay ng mga ayudang ito.

Anuman ang napagkasunduan hinggil sa mga ayudang ito, isang pang-ekonomiyang dahilan din ng akomodasyon kay Bush ang pagsandal sa Amerika sa larangan ng kalakalan (trade).

Ayon sa datos ng National Statistics Office (NSO), 22.17% ng eksport ng Pilipinas ay napunta sa Amerika. Sa kabuuang eksport na $20.04 bilyon mula Enero hanggang Hulyo 2003, kumita ang Pilipinas mula sa Amerika ng $4.24 bilyon. Tunay na ang Amerika ay nangungunang pamilihan ng mga eksport ng Pilipinas.

Bukod pa rito, malinaw din sa datos ng NSO na 20.85% o $673.81 milyon ng mga inangkat ng Pilipinas ay galing sa Amerika. Mula Enero hanggang Hulyo 2003, ang kabuuang inangkat (imports) ng Pilipinas ay $3.23 bilyon. Tulad ng kaso sa eksport, ang Amerika ay nangungunang pinagkukunan ng mga produktong inaangkat ng Pilipinas.

Kung susuriin din ang kasaysayan ng pamumuhunan ng Amerika sa Pilipinas, malinaw na nangunguna ang mga Amerikano hindi lang sa bilang ng mga kompanyang nasa Pilipinas kundi na rin sa mga halagang ipinasok dito. Subalit dapat tandaang 80% ng pamumuhunan ay sa anyo ng portfolio investments, o yaong ibinubuhos lamang sa stock market at iba pang speculative investments na hindi nangangahulugan ng direktang trabaho para sa Pilipino.

Ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 50.47% ng remittances ng overseas Filipino workers (OFWs) ay mula sa Amerika. May $1.28 bilyong ipinadala ang mga OFWs na nasa Amerika mula Enero hanggang Abril 2003. Ayon sa BSP, ang kabuuang OFW remittances sa panahong iyon ay umabot ng $2.54 bilyon.

Para sa pamahalaang nag-aalala sa lumolobong depisito sa badyet na umabot na nga ng P145 bilyon noong Setyembre, mahalagang patuloy na may pagkukunan ng pondo para maibsan ang problemang ito. Inaasahang aabot ang depisito sa badyet sa P202 bilyon sa pagtatapos ng taon.

Dahil sa pundamental na kahinaan ng lokal na ekonomya, ang kadalasang pinagkukunan ng pondo ay mula sa labas. Ito ay sa anyo ng ayuda, utang, pamumuhunan, eksport at OFW remittances.

Mapapansing sa lahat ng mga datos na ito ay may pangunahing papel ang bansang Amerika. Maaasahan ang patuloy na pagdepende sa Amerika, gayundin ang pagsuporta ng administrasyong Arroyo sa ilang polisiya nito tulad ng giyera laban sa Afghanistan at Iraq sa kabila ng lumalawak na pagtutol ng ibang mga bansa.

Ito rin ang nagsisilbing pang-ekonomiyang konteksto ng pagpapalakas ng relasyong militar tulad ng pagpasok sa Mutual Logistics Support Agreement (MLSA) at Non-surrender Agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Simula sa isyung ito, matutunghayan sa Pinoy Weekly ang "Ekonomiya sa Madaling Salita." Si Danilo A. Arao ay isang katuwang na propesor (assistant professor) sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) na nagtapos ng Master of Arts in Philippine Studies (with High Distinction) sa De La Salle University (DLSU). Siya rin ay isa sa mga patnugot ng Bulatlat.com, isang lingguhang online news magazine. Bago siya nagturo nang fulltime sa UP at Bulatlat.com, siya ay nagtrabaho bilang editor-in-chief at research head sa IBON Foundation, isang socio-economic research think-tank.

HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Ganansya mula sa Amerika? (15-21 Oct 2003)

Page last updated: 15 February 2004
All rights reserved.
© 1999-2004 / Danilo A. Arao