Danny Arao logo
Danny Arao online
Danny Arao online
Danny Arao online
HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Langis: Konteksto ng Pagtaas ng Presyo (12-18 Nov 2003)

Pinoy Weekly logo; click image to go to list of articles

LIST OF ARTICLES

Langis: Konteksto ng Pagtaas ng Presyo

Danilo A. Arao column photoEKONOMIYA
SA MADALING
SALITA

DANILO ARAÑA ARAO
Pinoy Weekly (Vol. 2, No. 37)
12-18 November 2003, p. 11

Ang konteksto ng pagtaas ng presyo ng langis ay makikita sa kontradiksyon ng deregulasyon.

Matatandaang itinaas ng Petron at Shell ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene ng P0.40 bawat litro at ang LPG ng P1.00 bawat kilo noong Nobyembre 4. Ayon sa mga opisyal ng mga kompanyang ito, kailangan daw magtaas dahil sa pag-angat ng presyo sa pandaigdigang pamilihan ng krudo at mga produktong petrolyo noong Oktubre 2003.

Kung susuriin ang datos, ang Dubai crude ay umabot ng $25.37 bawat bariles noong Setyembre, at tumaas nga ng $27.27 bawat bariles noong Oktubre. Samantala, ang palitan ng piso ay P55.02 bawat dolyar noong Setyembre, at naging P54.97 bawat dolyar noong Oktubre.

Nakapagtatakang noon lamang Marso, sinabi ni Energy Secretary Vincent Perez na inaasahang bababa ang presyo ng langis kapag naresolbahan na ang tensyon sa Iraq.

Nanawagan siyang maging mahinahon ang lahat sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa unang tatlong buwan ng taong ito. Matatandaang ito rin ang panahong nanawagan ang ilang mambabatas at mga militanteng grupo na ibasura na ang oil deregulation law.

Madali para sa gobyernong maghugas-kamay at sabihing wala sa kanilang kontrol ang nangyayari sa pandaigdigang pamilihan. Subalit parati ba dapat nakadepende ang kahihinatnan ng mamamayan sa nangyayari sa labas ng bansa?

Mula nang isabatas ang Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Deregulation Act of 1998, ang presyo ng produktong petrolyo ay mahirap nang subaybayan, at ang pricing formula ay hindi na ipinapaalam sa publiko. Simple lang naman ang dahilan dito: Sa ilalim ng deregulasyon, may kalayaan na ang mga kompanya ng langis na itakda ang presyo ng kanilang produkto kahit na walang abiso sa publiko.

Sa paglipas ng taon, ang pangako ang mababang presyo at mas mahusay na serbisyo ay hindi naipatupad. Ilang beses nang sinabi ng mga opisyal ng gobyerno na magtiis muna dahil mangyayari din ang pangakong ito na binitiwan noon pang 1996 nang ipatupad RA 8180, ang unang batas sa deregulasyon ng langis.

Dito makikita ang batayang kontradiksyon ng patakarang deregulasyon. Ito ay isang mekanismo para diumano makinabang ang mga konsumer para dumami ang pagpipilian, at ang magiging tendensya ng mga negosyante ay magbaba ng presyo para ang produkto nila ang tangkilikin.

Sa industriya ng langis, ang teoryang ito ay hindi nasusunod dahil sa katangian ng mga produktong petrolyo na demand inelastic. Ang huli ay nangangahulugang kahit na anong presyo ang itakda sa isang produkto, bibilhin pa rin ito ng konsumer dahil ito ay lubusang kailangan niya. Ang isang taong naubusan ng LPG, halimbawa, ay kailangang bumili anuman ang presyong itakda ng negosyante dahil hindi siya maaaring makapagluto kung wala ito.

Ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis ay naging kongretong resulta ng deregulasyon. Bagama't may paminsan-minsang pagbaba ng presyo, marami nang pag-aaral ang nagpatunay na ang anumang rollback na nangyari ay bale-wala sa sobrang pagtaas ng presyo. Ang akusasyon ng overpricing ng mga kompanya ng langis ay ilan beses nang ipinakita sa mga pag-aaral ng IBON Foundation, Bulatlat.com, at kahit ni Rep. Enrique Garcia.

Tulad ng mga nakaraang pagtaas ng presyo ng langis, maaasahan ang muling panawagan ng iba't ibang grupo at indibidwal sa pagbabasura ng RA 8479. Tunay na ang pagtaas ng presyo ng langis ay nararapat na suriin sa konteksto ng deregulasyon para makita ang kontradiksyong nangyayari sa kasalukuyan.


HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Langis: Konteksto ng Pagtaas ng Presyo (12-18 Nov 2003)

Page last updated: 15 February 2004
All rights reserved.
© 1999-2004 / Danilo A. Arao