Danny Arao logo
Danny Arao online
Danny Arao online
Danny Arao online
HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Hinagpis ng Kaguruan (12-18 March 2003)

Pinoy Weekly logo; click image to go to list of articles

LIST OF ARTICLES

Hinagpis ng Kaguruan

Ni Danilo Araña Arao
Pinoy Weekly (Vol. 2, No. 3, 12-18 March 2003), p. 11

Madalas sabihing taga-London daw ang mga guro sa Pilipinas, dahil puro sila "loan dito at loan doon." Hindi rin daw nakakagulat na makita silang nagtuturo sa Section 3, o yung "section under the mango tree."

Ang mga ganitong katawagan, bagama't pansamantalang nakakapangiti sa atin, ay repleksyon lang ng hindi birong hirap na dinaranas ng kaguruan.

Sahod

Ang isang guro sa publikong paaralan na may item na Teacher 1 ay kumikita lang ng P9,939 bawat buwan.

Ayon sa datos ng NWPC (National Wages and Productivity Commission) nitong Enero, ang isang pamilya ng anim sa National Capital Region (NCR) ay kinakailangang kumita ng P557 bawat araw o P16,710 kada buwan para matugunan ang batayang pangangailangan.

Para sa ibang rehiyon, ang halaga ng tinatawag na family living wage ay mula P414 (Kanlurang Bisaya) hanggang P709 (Autonomous Region in Muslim Mindanao). Nangangahulugan itong sa isang buwan, ang halaga ng pamumuhay ng isang pamilya ng anim ay mula P12,420 hanggang P21,270.

Batay sa mga datos na ito, ang isang gurong may klasipikasyong Teacher 1 sa Pilipinas ay kinakailangang maghanap pa ng karagdagang P2,481 hanggang P11,331 para makabuhay ng isang pamilya ng anim, ang karaniwang bilang ng miyembro ng isang pamilya.

Mula nang maupo si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Enero 2001, hindi pa nakakatanggap ng pagtaas ng sahod ang mga guro bilang sektor.

Benepisyo at Karapatan

Kulang pa rin ang benepisyong natatanggap ng kaguruan at patuloy pa ring sinisikil ang kanilang karapatan.

May mga pagkakataon pa ngang ang mga lehitimong benepisyo ay hindi nakakarating sa kanila. Hindi pa rin nila natatanggap ang backpay ng cost of living allowance (COLA), kahit na ang ibang ahensya ng pamahalaan ay nakapagbigay na. Wala pa rin ang kanilang hazard pay at amelioration pay.

Mahaba ang kasaysayan ng kaguruan sa pakikibaka para sa pagbibigay at pagdaragdag sa kanilang benepisyo at maraming insidenteng nagpapakita ng kawalan ng sinseridad ng pamahalaan na tulungan sila.

Sa administrasyon ng pinatalsik na Pangulong Joseph Estada, napagsabihan pa ngang "matitigas ang ulo" ng mga guro dahil sa paggigiit na ibigay na ang kanilang amelioration pay.

Malinaw sa Republic Act No. 4670 o Magna Carta for Public School Teachers na anim na oras lang sa isang araw ang pagtuturo ng mga guro at kailangang bigyan sila ng panahong makapaghanda sa pagtuturo at gampanan ang iba pang gawaing may kaugnayan dito gaya ng pagtse-tsek ng papel at pagkompyut ng mga grado.

Sa ilalim ng batas na ito, may karagdagang bayad ang anumang gawaing labas ng pagtuturo, gayundin ang oras ng pagtatrabaho na lampas ng walong oras sa isang araw.

Ayon mismo sa mga opisyal ng Manila Public School Teachers Association (MPSTA) at Quezon City Public School Teachers Association (QCPSTA), karaniwang hinaing ng kanilang mga miyembro ang pagtatrabaho ng lampas sa walong oras dahil na rin sa kakulangan ng mga guro sa paaralan nila.

Tuwing iginigiit nila ang kanilang karapatan at ang paghingi ng dagdag na bayad, madalas ikatwiran diumano ng mga administrador na kailangan pa ngang magpasalamat ang mga guro dahil sila ay may trabaho pa.

Papalalang Kalagayan Kung Hindi Aaksyunan

Kung pagbabatayan ang panukalang pambansang badyet, mismong ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) ay umaaming sa schoolyear 2003-2004, magkakaroon ng kakulangan sa klasrum (39,383), upuan (4,125,413) at kaguruan (49,212).

Tunay na hindi sapat ang panukalang P106.4 bilyong badyet para sa DepEd, lalo na't kung iisiping paghahatian ito ng mismong ahensya, kasama ang milyun-milyong estudyante't guro sa pampublikong paaralan.

Noong schoolyear 2001-2002, ang bilang ng mga estudyante sa pampublikong paaralan ay 11,916,686 (elementarya) at 4,562,317 (hayskul). Ang mga guro sa pampublikong paaralan ay umaabot naman ng 331,448 (elementarya) at 112,210 (hayskul).

Sa huling pagsusuri, hindi sapat ang dagdag na badyet para matugunan ang litanya ng kaguruan at ang mga problemang kinakarap ng sistema ng edukasyon sa ating bansa.

Kung ang mga problema ng kaguruan ay repleksyon ng lumalalang krisis sa ating lipunan, malinaw na hamon sa sektor na ito ang paglahok sa panlipunang pagbabago. Dito lamang mareresolbahan ang mga sektoral na problema at maiuugnay sa mga pambansang usapin.

Si Danny Arao ay ang Pambansang Pangalawang Tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

HOME > Selected Writings > Pinoy Weekly > Hinagpis ng Kaguruan (12-18 March 2003)

Page last updated: 15 February 2004
All rights reserved.
© 1999-2004 / Danilo A. Arao